PANOORIN: Pagbasa ni Robin Padilla ng ‘Pag-ibig sa Tinubuang Lupa’ ni Andres Bonifacio
Hoodlum. Sundalo. Preso. Senador.
Sa dami ng papel na ginampanan ng aktor na si Robin Padilla sa mga pelikula, ang pagganap bilang Andres Bonifacio ang isa sa mga naging pinakamalapit sa kanyang puso.
Ngayong Buwan ng Wika, inimbitahan ng Rappler si Robin upang bigkasin ang isang pinaikling bersiyon ng "Pag-ibig sa Tinubuang Lupa," isang tulang isinulat ng Ama ng Katipunan. – Rappler.com
Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
Sa pagkadalisay at pagkadakila
Gaya ng pag-ibig sa Tinubuang lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.
xxx
Walang mahalagang hindi inihandog
Ng may pusong mahal sa Bayang nagkupkop,
Dugo, yaman, dunong, katiisa't pagod,
Buhay ma'y abuting magkalagut-lagot.
Bakit? Alin ito na sakdal ng laki,
Na hinahandugan ng buong pagkasi,
Na sa lalong mahal nakapangyayari,
At ginugulan ng buhay na iwi?
Ito'y ang Inang Bayang tinubuan:
Siya'y ina't tangi sa kinamulatan
Ng kawili-wiling liwanang ng araw
Na nagbigay-init sa buong katawan.
Kalakip din nito'y pag-ibig sa Bayan,
Ang lahat ng lalong sa gunita'y mahal,
Mula sa masaya'y gasong kasanggulan
Hanggang sa katawa'y mapasa-libingan.
Sa aba ng abang mawalay sa bayan!
Gunita ma'y laging sakbibi ng lumbay,
Walang alaala't inaasa-asam
Kundi ang makita'y lupang tinubuan.
xxx
Kung ang bayang ito'y masasa-panganib
At siya ay dapat na ipagtangkilik,
Ang anak, asawa, magulang, kapatid;
Isang tawag niya'y tatalikdang pilit.
xxx
Ipahandug-handog ang buong pag-ibig
At hanggang may dugo'y ubusing itigis;
kung sa pagtatanggol, buhay ay mapatid,
Ito'y kapalaran at tunay na langit.